Ipinaalala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko lalo na sa mga naninigarilyo ang responsableng pagtatapon ng basura partikular na ang mga upos ng sigarilyo.
Ito’y ayon sa MMDA bilang pakikiisa na rin sa Fire Prevention Month tuwing Marso na layong maiwasan ang pagdami ng mga naitatalang sunog sa panahong ito.
Ayon sa MMDA, isa ang upos ng sigarilyo sa mga pangunahing pinagmumulan ng sunog at ito rin ang nangungunang basurang itinatapon sa lansangan.
Kaya naman panawagan ng MMDA sa mga naninigarilyo, ugaliing patayin ng maigi ang kanilang upos at itapon sa tamang lugar
Sakaling mahuling lumalabag, maaari silang mapatawan ng parusa sa ilalim ng Anti-littering Act gayundin sa Anti-Smoking Act kung maninigarilyo sa hindi tamang lugar. | ulat ni Jaymark Dagala