Matagumpay pa ring naihatid ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga kinakailangang suplay ng mga tropa nito sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ito ang iniulat ng Philippine Navy sa kabila ng panibagong panggigipit ng China Coast Guard sa mga barkong kasama sa Rotation and Re-supply mission nito kahapon.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Commodore Roy Vincent Trinidad, sa kabila ng pagtatangka ng China Coast Guard na harangin ang Unaizah May 1, nagawa pa rin nito na makarating sa BRP Sierra Madre.
Lulan nito ang ilang mahahalagang suplay na kailangan ng mga tropa ng militar na nakahimpil sa nakasadsad na barko ng Pilipinas sa Ayungin Shoal bilang bahagi ng pagtatanggol sa soberenya ng bansa sa West Philippine Sea.
Una nang binatikos ng National Security Council ang anito’y hindi na akmang pagkilos ng China sa panghihimasok nito sa West Philippine Sea.
Matapos ang insidente, agad pinagpaliwanag ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Deputy Chief of Mission ng China hinggil sa agresibong aksyon ng mga barko nito sa naturang karagatan.
Bagaman naging matagumpay ang misyon ng Unaizah May 1, napuruhan naman ang re-supply ship na Unaizah May 4 sa ginawang water cannon ng China Coast Guard kung saan, apat ang sugatan. | ulat ni Jaymark Dagala