Nais ni Senador Imee Marcos na mahigpitan pa ang safeguards ng panukalang pagsasa-ligal ng medical use ng cannabis o marijuana (Senate Bill 2573).
Isa si Senador Imee sa mga senador na hindi pumirma sa Committee Report tungkol sa naturang panukala.
Nilinaw ng senador na hindi siya ganap na tutol sa panukala dahil siya mismo ay isang glaucoma patient at isa ang medical cannabis sa mga nirereseta sa mga pasyenteng may glaucoma.
Gayunpaman, hindi pumirma si Senador Imee sa Committee Report dahil nakukulangan siya sa safeguards ng panukalang batas.
Partikular aniyang nais sanang makita ng senador ang paghihigpit sa regulation, control, enforcement, at pagpapataw ng parusa sa mga lalabag sa ipinapanukalang batas.
Pinaalala rin ng mambabatas na minsan nang sinabi ng mga doktor na itinuturing na ‘gateway drug’ ang marijuana sa ipinagbabawal na gamot at napakadali ring kumuha ng pekeng PWD ID para magkaroon ng access sa medical cannabis. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion