Umaasa ang Department of Migrant Workers (DMW) na magiging matagumpay ang salvaging operations na ginagawa ngayon sa barkong tinamaan ng missile attack ng rebeldeng grupong Houthi sa Gulf of Aden.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DMW Officer-In-Charge Hans Leo Cacdac, na puspusan ang salvaging operations sa barko para makuha ang katawan ng dalawang Pilipinong tripulante.
Sa kabila ng mga hamon, dahil sa malaking sunog sa pagtama ng missile sa barko umaasa ang DMW na matatagpuan ang katawan ng dalawang biktima.
Sinabi rin ni Cacdac, na naghahanda na sila para sa repatriation o pagpapauwi ng ibang Pilipinong tripulante na sakay ng barko oras na mabigyan sila ng medical clearance.
Samantala, inihayag din ng opisyal na hindi pa nila masabi sa ngayon kung may pananagutan ang barko na naglayag sa Gullf of Aden sa kabila ng pagiging high risk nito.
Dadaan pa kasi ito sa assessment ng security forces sa lugar kaya ayaw nila itong pangunahan. | ulat ni Diane Lear