Sisimulan sa Tagalog mass sa ganap na 6:30 ng umaga ang unang schedule ng misa sa National Shrine of Our Mother of Perpetual Help o mas kilalala bilang Baclaran Church sa Parañaque City bilang bahagi ng selebrasyon ngayong araw ng Easter Sunday o Linggo ng Muling Pagkabuhay ni Kristo.
Susundan naman ito ng mga misa kada-isang oras at kalahati hanggang sa huling misa na isasagawa sa wikang Ingles mamayang 6:30 ng gabi.
Sa Manila Cathedral, magsisimula ang Misa para sa Pasko ng Muling Pagkabuhay mamayang 8:00 ng umaga at isa pang misa mamayang 10:00. Susundan naman ito ng misa mamayang 4:00 ng hapon at 6:00 mamayang gabi.
Oras-oras naman ang misa sa Archdiocesan Shrine and Parish of Santo Niño sa Tondo, Maynila na nagsimula kaninang 5:00. Isasagawa naman ang huling misa sa umaga sa ganap na 10:00 na susundan ng misa sa hapon sa ganap na 3:00. Sa ganap naman ng 8:00 ng gabi ang pinakahuling misa sa naturang simbahan.
Samantala, nauna nang nagbahagi ng kanyang mensahe sa mga mananampalataya si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ngayong Pasko ng Pagkabuhay.
Ilan sa mga binigyang diin ng Arsobispo ang pagyakap ng lahat sa pag-ibig ni Hesus at tanggapin ang bagong buhay na ibinigay sa atin para bumangon mula sa mga paghihirap at pagkakamali. Kasabay ng paglago ng pananalig at pag-ibig upang maging tanglaw ng pag-asa para sa lahat.| ulat ni EJ Lazaro