Pinasalamatan ni Presidential Peace Adviser Secretary Carlito Galvez Jr. ang Senado sa kanilang ‘concurrence’ sa Amnesty Proclamation ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mga dating rebelde.
Ito’y matapos sang-ayunan ng Senado kahapon ang Presidential Proclamation 404 na nagkakaloob ng amnestiya sa mga dating miymebro ng Communist Party of the Philippine-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) at front organizations.
Una nang inaprubahan ng Senado noong Marso 4 ang Presidential proclamation 403, 405 at 406 na nagkakaloob ng amnestiya sa Rebolusyunaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB), Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF), ayon sa pagkakasunod.
Ayon kay Sec. Galvez, dahil dito ilalabas na ng National Amnesty Commission (NAC) ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Amnesty Program, na sisimulan ang implementasyon sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga aplikante mula sa mga nabanggit na grupo. | ulat ni Leo Sarne