Binibigyang babala ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang publiko kontra sa pag-iinvest sa isang Rollyx Trading, Rollyx Financial Services o Rollyxtrading.com dahil umano sa hindi ito awtorisado ng ahensya.
Ayon sa SEC, maliban sa hindi rehistrado sa kanila, ilang iligal investment-taking activities rin umano ang ginagawa ng nagpapakilalang investment firm.
Sa imbestigasyon ng SEC, inaalok diumano sa social media ng Rollyx ang publiko sa pamamagitan ng pag-invest ng pera mula P300 hanggang P20,000 depende sa napiling plan kapalit ang sinasabing kita na aabot 25% hanggang 60% ng kanilang pera maliban pa sa 10% referral fee bonus at 1-peso daily log in bonus.
Kaya panawagan ng SEC na huwag mag-invest o itigil ang pag-invest sa Rollyx dahil sa kawalan din nito ng investor protection at ng market conduct requirements para makapag-operate.
May kaso rin ang sinumang nagbebenta o nag-aalok sa nasabing gawain kabilang na ang multa na aabot sa P5 milyon at pagkakakulong.
Hinihikayat din ng SEC ang publiko na ipabatid sa kanilang tanggapan ang anumang aktibidad ng Rollyx Trading sa pamamagitan ng pag-email sa Enforcement and Investor Protection Department (EIPD) ng SEC sa [email protected].| ulat ni EJ Lazaro