Binigyang diin ni Senate Subcommittee on Constitutional Amendments Chairperson Senador Sonny Angara na sapat nang dahilan ang halagang matitipid ng gobyerno sa pagsusulong na isabay ang plebesito para sa economic chacha sa 2025 midterm elections.
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod ng pag giit ni Representative Jay-jay Suarez na dapat ibukod ang plebesito para sa economic chacha, at hindi ito dapat isabay sa halalan sa 2025.
Ipinunto ni Angara ang naunang pahayag ng COMELEC na aabot ng P13 billion ang matitipid kung sabay na gagawin ang plebesito at ang 2025 elections.
Iginiit rin ni Angara, na mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang nagsabing isabay na lang ang plebesito ng economic chacha sa halalan kaya dapat ay sundin rin ito ng iba.
Ipinaliwanag rin ng mambabatas, na ang anumang plebesito ay political decision ng mga botante dahil gaya rin ng pagpili ng mga kandidato, ay nagdedesisyon rin ang mga botante ng kanilang posisyon tungkol sa isang national issue. | ulat ni Nimfa Asuncion