Nagpahayag ng suporta si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa Senate Bill 2573 o ang panukalang pagsasaligal ng medical cannabis sa bansa.
Pero sa kanyang pagsuporta sa naturang panukala, nilinaw ni dela Rosa na hindi pa rin siya tumataliwas sa kanyang paninindigan na kontra siya iligal na droga.
Binigyang diin ng senador na nakasaad sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act na dapat pa ring balansehin ang National Drug Control Program ng bansa para ang mga may lehitimong medikal na pangangailangan ay hindi mahahadlangan na magamot.
Sinabi rin ng senador na tungkulin niya pa rin bilang lingkod bayan na ilapit sa taumbayan ang mga bagay na maaaring magpaginhawa ng kanilang buhay, kasama na ang maaaring magsilbing lunas sa kanilang nararamdaman gaya na lang ng pharmaceutical grade cannabis.
Umapela rin si dela Rosa sa lahat na buksan ang isip at puso sa posibilidad ng pagsasaligal ng medical cannabis.
Tiniyak rin ng mambabatas na magkakaroon ng sapat na safeguard ang binubuo nilang batas para hindi maabuso. | ulat ni Nimfa Asuncion