Mariing kinondena ni Senadora Grace Poe ang pamamaslang sa isang golden retriever na asong si Killua.
Giit ni Poe, bagama’t nasa korte na ang pagdedesisyeon tungkol sa usapin ay dapat pa ring malaman ng publiko na mayroong batas na nagbabawal at nagpaparusa sa pananakit sa mga hayop.
Ito ang Animal Welfare Act of 1998 na nagsasabing bawal ang pag-torture, pagpapabaya at pagmaltrato sa mga hayop.
Kaugnay nito, pinunto ng senadora na ilang mga panukalang batas na ang nakahain sa Senado para mapabuti ang kapakanan ng mga hayop sa bansa.
Kabilang dito ang Senate Bill 2458 o ang revised Animal Welfare Act kung saan nakapaloob ang mandatory animal welfare education sa kurikulum ng primary at secondary education students.
Sa ilalim rin nito ay bubuuin ang barangay animal welfare task force na magbibigay kapangyarihan sa mga local officers na tugunna ang animal welfare issues.
Sa ngayon ay nakabinbin sa Senate Committee on Agriculture ang panukala at umaasa ang senadora na maipapasa na ito sa lalong madaling panahon para matuldukan ang katulad na insidenteng nangyari kay Killua. | ulat ni Nimfa Asuncion