Maghahain si Senate Majority Leader Joel Villanueva ng isang resolusyon na mananawagan sa Department of Foreign Affairs (DFA) na gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang para matigil na ang mga agresibong aksyon ng China laban sa mga tropa ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ang pahayag na ito ay kasabay ng pagkondena ng senador sa water cannon attack ng China Coast Guard sa sasakyang pandagat na maghahatid ng suplay sa mga nakatalagang tropa sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Para sa majority leader, ang naturang aksyon ay hindi makatao, iligal at “barbaric”.
Ang resolusyon na planong ihain ni Villanueva ay updated na bersyon aniya ng Senate Adopted Resolution No. 79.
Matatandaang sa naturang resolusyon ay binibigyan ng Senado ang pamahalaan ng iba’t ibang opsyon kung paanong tutugon sa kilos ng China.
Kabilang na dito ang patuloy na pagdala ng isyu sa atensyon ng international community; paggamit ng international fora para makakuha ng suporta sa pagpapatupad ng the Hague ruling; ang paghahain ng resolusyon sa United Nations General Assembly (UNGA); at ang pagpapatuloy ng iba pang diplomatikong paraan na nakikita ng DFA na nararapat gawin.
Sa huli, sinaluduhan ni Villanueva ang Philippine Navy at ang Philippine Coast Guard para sa kanilang katapangan sa pagprotekta ng karapatan ng bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion