Personal na hiniling ni Senador JV Ejercito kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suspendihin at huwag na munang ituloy ang nakaambang taas-singil sa kontribusyon ng para sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).
Binahagi ni Ejercito na ginawa niya ang apelang ito sa punong ehekutibo nang magkaroon ng meeting ang mga senador kasama ang presidente nitong Lunes.
Bilang principal author ng Universal Health Care Act (UHC) law (RA 11223), pinaliwanag aniya ng senador kay Pangulong Marcos na ang naka-schedule na dagdag singil sa kontribusyon ay nakabase pa noong panahong hindi pa tumatama ang COVID19 pandemic.
At dahil unti-unti pa lang bumabangon ang bansa mula sa pandemya ay hinimok ni Ejercito si Pangulong Marcos na huwag na munang ipatupad ang premium rate hike sa Philhealth habang hinihintay pa ang panukalang amyenda sa UHC law.
Tugon aniya ng pangulo, hihintayin nito ang paliwanag ng Philhealth kung bakit kailangang ipatupad na ang premium rate hike. | ulat ni Nimfa Asuncion
VIDEO: SEN JV EJERCITO
#RP1News
#RadyoPilipinas