Ikinagalak ni Senate Committee on Basic Education Chairperson Senator Sherwin Gatchalian ang ratipikasyon ng Senado sa bicameral conference committee report ng ‘Kabalikat sa Pagtuturo Act,’ ang panukalang magtataas sa teaching allowance ng mga guro sa pampublikong paaralan.
Sa ilalim nito ay magiging institutionalized na ang pagbibigay ng teaching allowance sa mga public school teacher.
Simula School Year 2025-2026, makakatanggap na ang mga guro ng teaching allowance na nagkakahalaga ng P10,000.
Maaaring gamitin ang naturang teaching allowance para sa pagbili ng teaching supplies at materials, mga hindi inaasahang gastusin, at pagpapatupad ng iba’t ibang learning delivery modalities o paraan ng pagtuturo.
Ayon kay Gatchalian, na isa sa mga may akda ng naturang panukala, napapanahon na ang pagiging institutionalized ng teaching allowance.
Sinabi rin ng senador, na malaking tulong ito sa mga guro lalo na’t minsan ay napipilitan silang mag-abono para makabili ng mga gamit sa pagtuturo.
Binigyang diin din ng mambabatas, na bagamat may mga inisyatibo ang Kongreso para bigyan ng cash allowance ang mga guro sa ilalim ng taunang national budget, ang pag institutionalize ng teaching allowance ay dagdag sa financial security ng mga guro.
Sa ilalim ng panukala, hindi rin papatawan ng income tax ang naturang allowance. | ulat ni Nimfa Asuncion