Aminado si Senate Subcommittee on Constitutional Amendments Chairperson Senador Sonny Angara na sa ngayon ay mahirap pang makakuha ng boto ng 18 senador na sasang-ayon sa panukalang amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas.
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod ng pagkaka-apruba ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ng kanilang bersyon ng economic chacha (Resolution of Both Houses no.7)
Pero umaasa pa rin si Angara, na sa pagpapatuloy ng pagdinig nila sa panukalang economic chacha ay makakumbinsi pa sila ng ibang senador na pumabor dito.
Sa ngayon, plano ng komite ni Angara na magsagawa pa ng mga public hearing sa Visayas at Mindanao.
Gayunpaman, hindi aniya sila magtatakda ng hearings ngayong naka break ang sesyon. | ulat ni Nimfa Asuncion