Umaapela ang mga residente ng Central Negros sa Mataas na Kapulungan aprubahan na ang prangkisa ng kumpanyang sasalo sa distribusyon ng kuryente sa kanilang lugar para matapos na ang kanilang paghihirap sa kakapusan ng kuryente.
Sa joint statement na isinumite ng community associations ng Bacolod City, Negros Occidental, hinihiling na maaprubahan ang congressional franchise ng Negros Electric and Power Corporation (NEPC).
Sa naging pagdinig para sa prangkisa ng NEPC, una nang tiniyak ni Senate Committee on Public Services Chairperson Senadora Grace Poe na walang dapat na ipag-alala ang mga tauhan ng Central Negros Electric Cooperative.
Ipinahayag rin ng mga homeowners-consumer sa lugar ang kanilang reklamo tungkol sa palpak na serbisyo ng Central Negros Electric Cooperative na malaki ang epekto sa kanilang mga pang araw-araw na pamumuhay.
Kaya naman, naniniwala ang mga ito na napapanahon nang isailalim sa rehabilitasyon ang imprastraktura ng CENECO at ipaubaya na sa isang pribadong distribution utility, na may sapat na kakayahang pinansyal, teknikal at managerial expertise, ang power distribusyon sa kanilasng lugar.
Nakatakdang bilhin ng Primelectric Holdings Incorporated, mother company ng NEPC, ang lahat ng electric distribution assets ng CENECO sa pamamagitan ng 70% cash at 30% share sa sandaling maaprubahan ang congressional franchise ng NEPC para sa operasyon sa mga lungsod ng Bacolod, Bago, Silay, at Talisay at munisipalidad ng Murcia at Don Salvador Benedicto. | ulat ni Nimfa Asuncion