Pinaiimebstigahan ni Senador Lito Lapid ang impormasyon tungkol sa pagkawala at pag-abandona sa mga bodega ng libu-libong mga balikabayan boxes ng mga overseas filipino workers (OFWs).
Inihain ng senador ang Senate Resolution 950 kasabay ng pag-apela sa Senate leadership na aksyunan ang nasabing problema dahil mahalaga aniyang maparusahan ang mga manggagantsong foreign at local cargo forwarders.
Giit ni Lapid, dapat na agad makabuo ng batas na tutugon sa hinaing ng mga OFW at magsisiguro na hindi na ito mauulit pa sa mga susunod na panahon.
Ayon sa senador, ang ganitong modus ay tahasang pagbalewala sa pinaghirapan ng ating mga OFW.
Binahagi ni Lapid na may nakuha silang ulat mula sa Bureau of Customs (BoC) noong January 25, 2024 na may 16 cargo forwarders ang hindi nag deliver ng balikbayan boxes.
Maliban dito, iniulat din anya ng BoC noong 2023 na 11 kaso ang naihain nila sa sampung cargo forwarders dahil kabiguan na i-deliver at inaabandona lang sa ilang warehouses ang tone-toneladang bagahe o balikbayan boxes ng OFWs na inaabot ng pito buwan hanggang dalawang taon.
Napaulat din sa media na may mga inabandonang kargamento ng mga OFW sa warehouses na isinusubasta at naibebenta na ng mga online seller.| ulat ni Nimfa Asuncion