Naghain si Senador Imee Marcos ng isang panukalang batas na layong maimbestigahan sa Senado ang kaangkupan na payagan ang mga sibilyan na magmay-ari ng semi-automatic rifles.
Ginawa ng senador ang pagsusulong ng Senate Inquiry kasunod ng pagpapahintulot na magmay-ari ang mga sibilyan ng semi-automatic firearms alinsunod na rin sa inamyendahang implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
Sa Senate Resolution 953 ng senador, pinabubusisi kung ang hakbang na ito ay nakalinya sa polisiya ng estado na panatilihin ang peace and order at protektahan ang mga mamamayan mula sa karahasan.
Nais ring malaman ang posibleng epekto nito at kung ang mga ganitong semi-automatic rifles ay kailangan para maprotektahan ng mga mamamayan ang kanilang sarili.
Una nang nagpahayag ng pagtutol si Senador Imee sa pagpapahintulot ng PNP na magmay-ari ang mga sibilyan ng matatas na kalibre ng baril dahil posible aniya itong makaapekto sa peace and order situation sa bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion