Balak nina Senate Committtee on Environment Chairperson Senador Cynthia Villar at Senate Committee on Tourism Chairperson Senador Nancy Binay na magsagawa ng occular inspection sa Captain’s Peak Garden and Resort o ang resort na nag-viral dahil nakatayo sa gitna ng Chocolate Hills sa Bohol.
Ayon kay Binay, nagkaroon na ng commitment si Villar na magkakasa ng Senate hearing ang kanyang komite tungkol sa isyu at sa kanilang sesyon break ay mag-ooccular inspection rin sila sa Bohol.
Iminumungkahi rin ng senador na gibain na ang naturang resort dahil nakasisira lang aniya ito sa ganda ng Chocolate Hills.
Dinagdag rin ni Binay na sisilipin rin nila ang napaulat na iba pang mga establisyimento na itinayo sa gitna ng Chocolate Hills.
Naniniwala ang mambabatas na nangyari ang pagpapahintulot na magtayo ng mga istraktura sa gitna ng Chocolate Hills dahil sa kakulangan ng information dissemination tungkol sa kahalagahan na maipreserba ang mga ito.
Kaya naman isinusulong rin ni Binay na maipaalam, hindi lang sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan, kundi lalo na sa mga residente ng bohol ang tungkol sa kahalagahan na protektahan ang naturang lugar. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion