Pinangunahan ni Philippine Army Chief Lt. General Roy Galido ang simultaneous flag-raising ceremony ngayong umaga ng Philippine Army mula sa Training and Doctrine Command Flagpole Area, sa Camp O’Donnell, Capas, Tarlac.
Ang pagtataas ng bandila ng bansa ay sabayang isinagawa sa lahat ng kampo ng Philippine Army sa buong bansa, bilang pambungad na aktibidad sa pagdiriwang ngayong araw ng ika-127 anibersaryo ng Hukbong Katihan.
Sa naturang aktibidad, muling pinagtibay ng mga tauhan ng Philippine Army ang kanilang “oath of allegiance”.
Sa kanyang mensahe, inengganyo ni Lt. Gen. Galido ang lahat ng tauhan ng Philippine Army na palakasin ang kanilang determinasyon at dedikasyon sa pagsisilbi sa mamamayan at pagtatanggol sa bayan.
Hinikayat ni Lt. Gen. Galido ang mga tropa na sama-samang dalhin ang bansa tungo sa isang mapayapa at masaganang kinabukasan. | ulat ni Leo Sarne
📷: Cpl. Rodgen Quirante PA, TSgt. Jaber Jabalde PA/OACPA, 7th Infantry Division, 8th Infantry Division