Hindi na normal ang sitwasyon sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad, makaraang ang ginawa ng Chinese Coast Guard na pagbangga sa Philippine Coast Guard vessel at pagbomba ng water cannon sa isa sa dalawang resupply vessel na patungo sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal kahapon ng umaga.
Ang insidente ay nagresulta sa pagkapinsala ng mga barko ng Pilipinas at pagkasugat ng apat na Pilipinong crew.
Paliwanag ni Trinidad, ang ginawang militarisasyon ng China sa West Philippine Sea ay hindi normal, at ito na ang bagong sitwasyon kung saan nag-ooperate ang Philippine Navy sa West Philippine Sea.
Gayunman, tiniyak ni Trinidad na handang harapin ng Philippine Navy ang hamong ito at matapat na ipatutupad ang kautusan ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi isusuko ang isang pulgada ng teritoryo ng bansa. | ulat ni Leo Sarne
📸: AFP