Malaki ang pasasalamat ni Kabayan Partylist Representative at House Committee on Overseas Workers Affairs Chairperson Ron Salo sa ligtas na pag-uwi ng 11 Pinoy seafarers sakay ng MV True Confidence na inatake ng Houthi rebels sa Gulf of Aden.
Isa si Salo sa mga opisyal ng pamahalaan na sumalubong sa mga seafarers sa kanilang pagdating nitong Martes ng gabi.
Kinilala nito ang kanilang katatagan sa gitna ng naturang malagim na insidente at nagpaabot muli ng pakikiramay sa pamilya naman ng dalawang Pinoy seafarer na nasawi.
Muli ring nagpasalamat si Salo sa maagap na tugon ng pamahalaan sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasama ang Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Philippine Embassy sa Cairo, Department of Health (DOH), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Pinasalamatan din ng mambabatas ang Fleet Management Services Philippines, Inc. na siyang manning agency ng naturang mga mandaragat para sa ligtas at mabilis nilang pag-uwi.
Bunsod naman ng mga nagyari ay umaasa si Salo na tuluyan nang maisabatas ang Magna Carta of Seafarers para sa dagdag na proteksyon ng ating seafarers.
“Together with the solidarity of the global community, we vehemently condemn these senseless acts of violence. Our thoughts and prayers are with those affected, and we fervently hope for an end to the conflict to eliminate threats to the lives and livelihoods of our seafarers and overseas workers,” sabi ni Salo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes