Tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa pamunuan ng pambansang pulisya na ginagawa lahat ng senador ang makakaya nito para suportahan ang pangangailangan ng mga pulis.
Ginawa ng Senate President ang pahayag sa naging pagdalo nito sa 44th Grand Alumni Homecoming ng Philippine National Police Academy (PNPA).
Ipinunto ni Zubiri, na kailangang magtulungan ang mga mambabatas at taga pagpatupad ng batas sa pagprotekta at pag-angat ng kalagayan ng mga komunidad at ng buong bansa.
Kabilang sa mga binanggit ng Senate leader na legislative support na naibigay na sa PNP ay ang pagkakapasa ng Republic act 11549 o ang batas tungkol sa pagpapababa ng height requirement ng mga pulis, bumbero at jail correction officers.
Ang batas na ito aniya ang nagbukas ng pinto para mas maraming Pilipino ang makapasok sa police force.
Idinagdag rin ni Zubiri, na noon lang nakaraang buwan ay inaprubahan ng Senado ang panukalang PNP organizational reforms bill na layong i-update ang organisasyon ng PNP.
Gayundin ang Jail Integration Bill at ang PNP forensics DNA database bill. | ulat ni Nimfa Asuncion