Umapela si Senate President Juan Miguel Zubiri sa mga miyembro ng Inter Parliamentary Union (IPU) na tumindig kasama ng Pilipinas sa pagtataguyod ng rules based order sa West Philippine Sea.
Bahagi ito ng naging talumpati ni Zubiri sa 148th IPU Assembly sa Geneva, Switzerland.
Iginiit ng Senate leader ang patuloy na pagsunod ng Pilipinas sa international rules-based order, freedom of navigation, at pagtitimpi sa kabila ng provocation at harassment na ginagawa ng kapitbahay natin sa norte.
Naipakita na aniyang posible ang pakikipagdayalogo, sa kabila ng political at ideological na mga paniniwala, para mapanatili ang pandaigdigang kapayapaan.
Naniniwala rin aniya si Zubiri na ang IPU ay maaaring maging ‘facilitators of peace.’
Sa parehong talumpati, nakisimpatya rin si Zubiri sa mga naging biktima ng naging shooting attack sa Crocus City Hall sa Russia kamakailan lang.
Ang IPU ay isang global organization na binubuo ng 180 na mga bansa sa buong mundo.
Kasama ni Zubiri sa pagdalo sa IPU Assembly sina Senate Minority Leader Koko Pimentel, Senador Nancy Binay, Senador Pia Cayetano, at Senador Lito Lapid. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion