Nakahanda na ang Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) upang umalalay sa mga motorista ngayong papalapit na ang Semana Santa.
Bahagi na rin ito ng inilunsad na Oplan Biyaheng Ayos 2024 ng Department of Transportation (DOTr) upang masigurong ligtas at mapayapa ang magiging bakasyon ng maraming Pilipino.
Ayon kay SAICT-Command and Control Operation Center Chief, Charlie Del Rosario, katuwang nila ang Philippine Coast Guard (PCG) gayundin ang iba’t ibang ahensya ng Pamahalaan sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa panahong ito.
Sa katunayan, sinabi ng opisyal na naka-Full Alert na ang kanilang hanay sa pagpasok pa lamang ng March 24 o Linggo ng Palaspas.
Binanggit pa ni Del Rosario na partikular sa kanilang tinututukan ay ang mga Terminal, Pantalan, at Paliparan sa Metro Manila para sa mga bibiyahe patungong mga lalawigan.
Sa katunayan, nakatakdang mag-ikot sa mga nabanggit na lugar si SAICT Chairperson at DOTr Secretary Jaime Bautista upang tiyakin na napananatili ang kaayusan at seguridad ng mga biyahero sa mga pampublikong transportasyon sa bansa. | ulat ni Jaymark Dagala