Umarangkada na sa ilang barangay sa Catanduanes ang bagong programa ng Social Security System na ‘SSS e-Wheels sa Barangay’.
Layunin ng nasabing programa na mailapit ang mga serbisyo ng SSS sa mga malalayong lugar sa probinsya at maturuan ang kanilang mga miyembro sa paggamit ng iba’t ibang digital at online platforms kaugnay ng kanilang mga hatid na serbisyo.
Ayon kay Mr. Anjo Evangelista, Information Officer ng SSS Virac Branch, naging matagumpay ang pakikibahagi ng naturang programa sa isinagawang ‘Serbisyo Caravan’ kamakailan sa mga barangay ng Bigaa at Cavinitan sa Virac. Nakapagsagawa na rin aniya sila nito sa barangay Talisoy at Ibong Sapa.
Paliwanag ni Evangelista, sinimulan muna nila itong isagawa sa ilang barangay sa Virac at kalaunan ay dadayuhin na nito ang mga remote na barangay sa iba’t ibang bayan sa probinsya.
Ilan sa mga serbisyong hatid ng ‘SSS e-Wheels’ ay ang pag-isyu ng Social Security Number, registration ng mga bagong miyembro, makapag-verify on site ng claims, loans at contributions, online payment assistance at iba pa.
Bukas aniya ang SSS sa pakikipag-partner sa mga Punong Barangay, maging LGUs upang makaabot ang naturang programa sa kanilang lugar.
Wala aniyang gagastusin ang mga lokal na opisyal para sa nasabing aktibidad dahil ang tanging counterpart ng mga ito ay ang makapagtipon ng kanilang mga konstituwente na magiging benepisyaryo ng programa at maihanda ang venue na gagamitin sa kanilang lugar. | Juriz Dela Rosa | RP Virac
📸: SSS Virac