Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) ang suporta nito sa mga onion farmers na naapektuhan ng pamemeste ng onion armyworms sa Central Luzon.
Ayon sa DA, may humigit-kumulang 749 na magsasaka ang sinanay ng ahensya sa epektibong pest control techniques mula pa sa pagsisimula ng taong 2024.
Handa na ring ipamahagi ngayong katapusan ng buwan ng Marso ang buffer stocks ng red creole at yellow granex onion seeds sa mga apektadong magsasaka.
Kabuuang Php27-million ang inilaan para sa inisyatiba, na sumasalamin sa pangako ng gobyerno na suportahan ang sektor ng agrikultura sa mga mapanghamong panahon.
Batay sa ulat ng High Value Crops Development Program ng DA-Region 3, sa kabuuang 10,338.88 ektarya ng tanim na sibuyas sa Nueva Ecija, 17.8 ektarya rito ang nasira habang 2,435 ektarya ang bahagyang napinsala.
Sa ngayon, nasa Php28 kada kilo ang farmgate price ng pulang sibuyas at Php45 kada kilo naman para sa dilaw na sibuyas.| ulat ni Rey Ferrer