Pinasalamatan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagbisita nito sa Sumisip, Basilan ang international partners partikular ang United Nations, European Union, at Government of Japan para sa kanilang walang tigil na suporta sa pamahalaan sa pagkamit ng kapayapaan.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr., ang naturang probinsya na minsang nabahiran ng karahasan at terorismo ay isa na ngayong ‘zone of peace’ at naging posible ito hindi dahil sa lakas ng militar kung hindi dahil sa aktibong pagtanggi ng mga residente sa karahasan.
Pinamunuan ng Pangulo ang paggawad ng economic package para sa mga sumukong miyembro ng armed groups sa Basilan na nagbalik-loob sa gobyerno.
Naging posible ang peace process sa naturang probinsya dahil sa suporta ng United Nations Development Program (UNDP) at pinondohan ito ng Government of Japan sa pamamagitan ng Assistance for Security, Peace, Integration, and Recovery (ASPIRE) program na inilunsad noong Oktubre ng nakaraang taon.
Dagdag pa ng Pangulo, ang presensya ng pambansang pamahalaan, stakeholders, at chief executives ng iba’t ibang LGUs sa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa peace offering ceremony sa Kasanyangan Monument, Brgy. Mahattalang ay muling pinagtitibay ang katotohanan na isa na ngayong ‘epicenter of peace’ ang dating ground zero ng gyera sa probinsya. | ulat ni Justin Bulanon | RP1 Zamboanga