Plano ni Deputy Speaker at Quezon Rep. David Suarez na itulak ang pagkakaroon ng supplemental budget para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Kasunod ito ng P9 bilyon na kulang sa pondo ng programa matapos tapyasan ni Sen. Imee Marcos ang pondo nito ng hanggang P13 bilyon sa ilalim ng 2023 budget.
Sa naging briefing ng DSWD sa Kamara, sinabi ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na ang naturang budget cut ay nagresulta sa kawalan ng pondo para sa financial grant ng 843,000 family benefiaries o katumbas ng apat na milyong mahihirap na Pilipino.
Ayon kay Gatchalian, isa sa nakikita nilang dahilan ng naturang budget cut ay dahil sa mababa nilang utilization rate noong mga nakaraang taon.
Ngunit ito aniya ay bunsod ng nagdaang pandemya at paglilinis sa Listahanan.
Ang inalis na pondo sa 4Ps, inilipat umano sa iba pang programa gaya ng CALAHISIDS, AICS at quick response para sa mga kalamidad.
Para kay Suarez, ang paglalaan ng supplemental fund ang maaaring tumugon sa hamon ngayon ng DSWD na maibigay ang nararapat na ayuda para sa 4Ps beneficiaries.
“A supplemental budget can address the 4Ps crisis created by Sen. Marcos’ realignment of P13 billion from the program to other social amelioration endeavors of the government that left 843,00 families or 4 million poor Filipinos without financial support,” sabi ni Suarez.
Isa sa pinaka-inaalala ni Suarez ay ang posibilidad na lalong lumala ang lebel ng paghihirap ng naturang mga benepisyaryo dahil hindi naipagkaloob sa kanila ang tulong na minamandato ng batas.
“Hindi kaya ng sikmura natin na tiisin ang apat na milyong Pilipino na hindi nakakatanggap ng kanilang pondo sa 4Ps na mandato ng isang batas. Hindi dapat lalong lumala ang level ng kanilang paghihirap dahil may mga buwan o taong hindi nila natatanggap ang tulong na dapat sana ay para sa kanila,” giit ni Suarez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes