Kalaboso ang 63 anyos na Swiss National na si alyas Pet matapos magbiro na mayroong bomba sa loob ng Siargao Domestic airport, sa Barangay Sayak, Del Carmen, Surigao del Norte habang naghihintay ng kanyang flight matapos magbakasyon sa isla.
Narinig ng Duty Passenger Service Agent ang sinabi nito kaya’t agad inalerto ang airport police.
Nagsagawa ng inspeksiyon gamit ang K9 dogs ngunit negatibo ang lugar sa sinabing may bomba.
Napag-alaman na isa lang palang biro ang ginawa ng nasabing Swiss national na pinosasan at dinala sa presinto.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1727 o Anti Bomb Joke Law. | ulat ni Jocelyn Morano | RP1 Butuan