Bagaman malayo pa ang panahon ng tag-ulan, maaga na itong pinaghahandaan ng pamahalaang lungsod ng Marikina sa pamamagitan ng pagpapakalat ng tinatawag na “Tagalinis on Wheels.”
Ayon kay Marikina City Environmental Management Office Head, Engr. Oliver Villamena, layon nito na linisin ang mga plastic at iba pang mga basura na nagbabara sa mga daluyan ng tubig.
Sa ganitong paraan, maiiwasan ang pagkalat ng mga sakit ngayong El Niño gaya na lamang ng dengue.
Ang “Tagalinis on Wheels” ay mga bisikletang nakadisenyo sa pamumulot ng basura na siyang makakatuwang ng mga street sweeper para mapanatili ang kalinisan.
Mayroon din itong sound system na may sinasaliwan ng awiting “Munting basura, ibulsa muna” para magbigay edukasyon sa mga residente sa lungsod.
Dinadala ang mga nakukuhang basura sa materials recovery facility para ma-recycle at mapakinabangan pa. | ulat ni Jaymark Dagala