Inilunsad na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pinalawak na pagpapatupad ng Tara, Basa! Tutoring Program sa Cebu City.
Pinangunahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang kick-off activity sa nasabing lungsod.
Ang pagpapalawak ng programa ay resulta ng matagumpay na pilot test na ginawa sa National Capital Region (NCR) mula Agosto hanggang Nobyembre 2023.
Ang Tara, Basa! Tutoring Program, ay isang paraan ng kagawaran na “isama ang edukasyon, sa kapakanang panlipunan” na mag-aangat sa kondisyon ng mga benepisyaryo ng ahensya.
Binigyang-diin ng kalihim ang tagumpay ng programa sa pagtuturo, at nakatulong sa mga nahihirapan at hindi marunong magbasa na elementary students sa loob ng 20-araw na after-school reading sessions.
Binigyang-diin pa ng DSWD chief ang kahalagahan ng programa para sa mga mag-aaral sa kolehiyo mula sa estado at lokal na unibersidad at kolehiyo na nangangailangan ng suporta para sa kanilang pag-aaral.
Bukod sa Cebu City, ipatutupad din ang Tara, Basa! Tutoring Program sa lalawigan ng Bulacan, Malolos City, San Jose del Monte City, lalawigan ng Quezon, Western Samar, mga lungsod ng Taraka at Marawi sa Lanao del Sur, at General Santos City.
Magtuloy-tuloy din ang pagpapatupad ng programa sa NCR. | ulat ni Rey Ferrer