Hindi na nakaalis ng bansa ang tatlong Chinese national matapos itong maharang ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) matapos tangkain ng mga itong lumusot sa immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Kinilala ang mga nasabing indibidwal na sina Yu Yang, Wang Bo, at Zhang Yong na sinasabing nagtangkang lumipad patungo ng Hong Kong.
Ang sinasabing grupo ng mga Chinese national, ay mayroong mga deregatory record at subject sa isang blacklist order noong 2023.
Agad namang inaresto ng BI officers ang tatlo at binasahan ng kanilang mga karapatan bago ang pagsasagawa ng virtual inquest proceedings.
Kahaharapin ng mga naarestong indibidwal ang mga legal na aksyon alinsunod sa immigration laws ng Pilipinas.
Binigyang-diin naman ni Commissioner Norman Tansingco ang kahalagahan ng mga ganitong pagpigil sa mga illegal alien na banta umano sa national security at sa kaligtasan ng publiko. Nangako rin ito na hindi titigil ang BI sa pagsisikap nito upang itaguyod ang mga regulasyon sa immigration.
Mananatili naman sa BI Wardens’ Facility sa Bicutan, Taguig City ang mga nahuling Chinese habang naghihintay ang mga ito ng kanilang deportation. | ulat ni EJ Lazaro