Ginawaran ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ng Certificates of Commendation ang mga lokal na pamahalaan ng Antipolo sa Rizal, Dasmariñas at Carmona sa Cavite dahil sa ganap na paglalagay ng electronic Business One Stop Shop (eBOSS).
Ayon kay ARTA Secretary Ernesto Perez, ang COC para sa eBOSS ay ibinigay sa mga lungsod para sa kanilang huwarang gawain sa pagsusulong ng ease of doing business sa kanilang lugar.
Kinilala ni Perez ang ginawang pagsisikap ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) team ng mga lgus.
Ang eBOSS ay single online portal na nagbibigay-daan sa mga kliyente na ma-access ang lahat ng kinakailangang serbisyo at impormasyon para sa pagpaparehistro ng negosyo.
Kabilang pa dito ang pagsusumite ng mga aplikasyon, online payment at electronic issuance ng mga nauugnay na dokumento.
Bilang bahagi ng whole-of-government approach sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang ARTA ay patuloy na magbibigay ng mga papuri sa pagsisikap na hikayatin ang iba pang LGU na maglagay ng eBOSS tungo sa isang streamlined at digitalized na Bagong Pilipinas.| ulat ni Rey Ferrer