Umapela ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa Kongreso at executive agencies na iprayoridad ang mas matatag na proteksyon para sa mga guro.
Kasunod ito ng nag-viral na video ng isang guro na tila sinesermunan ang kanyang mga estudyante.
Ayon kay TDC Chair Benjo Basas, bagamat hindi tama ang inasal ng guro sa video, hindi rin umano dapat na agad husgahan ito.
Mahalaga rin aniyang maunawaan ang buong konteksto ng pahayag ng guro at maimbestigahan ito ng Department of Education (DepEd).
Likas naman aniya sa bawat guro ang pagiging mapagmahal at matiyaga ngunit sila ay tao rin na dumadating sa puntong nauubos rin ang pasensya.
Sumasalamin din aniya ito sa mas malaking problema na kinahaharap ng mga guro at ito ay ang usapin ng pagdidisiplina sa paaralan.
Kaugnay nito, umaasa ang TDC na magkaroon ng due process ang guro.
Naglatag din ito ng rekomendasyon sa Kongreso, Department of Education (DepEd), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Budget and Management (DBM), Philippine National Police (PNP), at Civil Service Commission (CSC).
Kabilang dito ang pagbabawas ng class size sa maximum na 30 estudyante per classroom, mas mataas na sahod, sick at vacation leave benefits sa classroom teachers para sa physical at mental health ng mga guro, pag-professionalize sa school guidance at counseling system at pagkuha ng mas maraming registered guidance counselors, pagbuo ng alternative school discipline policies, pag-amyenda sa ipang probisyon ng RA 7610, libreng legal assistance at counsel sa mga gurong may kinahaharap na administrative at criminal charges, pagsasagawa ng malawakang training sa positive discipline approach; at pagrepaso sa DepEd Child Protection Policy.
“We believe that implementing these proposals will not only benefit teachers and provide them with protection, but also ensure that our students receive proper guidance and protection as well. Thus, aiding in the further advancement and improvement of our country’s education.” | ulat ni Merry Ann Bastasa