Umabot na sa mahigit 300 miyembro ng Communist Terrorist Group ang nanutralisa ng militar mula Enero hanggang Pebrero ngayong taon.
Resulta ito ng pinalakas na focused military operation ng militar, sa layong mawakasan na ang insurhensya sa taong kasalukuyan.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla, mula sa kabuuang 331 CTG members na nanutralisa, 286 dito ang sumuko sa pamahalaan, 32 ang napatay sa iba’t ibang operasyon, at 13 ang naaresto.
Nasa 175 na samu’t saring armas at 44 na anti-personnel mines ang nakumpiska at isinuko, at 41 kuta ng makakaliwang grupo ang nakubkob ng militar.
Nauna nang sinabi ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. na target ng militar na mabuwag ang lahat ng NPA guerilla fronts bago mag-Marso 31 ngayong taon at tuluyang mawakasan ang kilusang komunista bago matapos ang 2024. | ulat ni Leo Sarne