Inirerekomenda ni Senador Raffy Tulfo na ilista online ang mga benepisyaryo ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) o ang “tuition subsidy” program ng Department of Education (DepEd).
Iminungkahi ito ng senador matapos mapag-alaman sa isang pagdinig sa Senado na aabot sa 12,675 ang ghost beneficiaries na hindi dapat nakatanggap ng pera mula sa Deped, at umabot sa P300 million ang nawala sa gobyerno dahil dito.
Giit ni Tulfo, dapat magkaroon ng transparency para maiwasan na ang pagkakaroon ng ‘ghost beneficiaries’ o mga pekeng benepisyaryo.
Ipinunto ng senador, na sa ngayon kasi ay tanging ang DepEd at ang Private Education Assistance Committee (PEAC) lang ang nakakaalam ng listahan ng mga estudyanteng binibigyan ng tuition subsidy, kaya malapit ito sa korapsyon sa pamamagitan ng ghost beneficiaries
Iminumungkahi rin ni Tulfo ang pagsusumite ng DepEd ng financial statement ng PEAC sa Commission on Audit (COA). | ulat ni Nimfa Asuncion