Tiniyak ng Pamahalaan ang patuloy na pagpapaabot nito ng tulong sa mga apektado ng matinding tagtuyot sa bansa bunsod ng El Niño.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Managament Council (NDRRMC), aabot na sa mahigit ₱432-milyong piso na ang naipamahagi ng Pamahalaan.
Partikular na rito ang tulong pinansyal, mga hygine kit, at iba pa na kinakailangan ng mga apektado ng krisis.
Kabilang sa mga nakinabang sa ayuda ng Pamahalaan ang mga residente ng MIMAROPA Region kung saan idinaan ang tulong sa pamamagitan ng Department of Agriculture.
Aabot sa halos 30,000 na magsasaka at mangingisda ang apektado ang pamumuhay sa nabanggit na lugar dahil sa El Niño.
Sa ngayon, nananatili sa mahigit ₱1.2-billion ang pinsala ng matinding tagtuyot sa sektor ng agrikultura kung saan, Region 6 o Western Visayas ang pinakanapuruhan.
Sinundan naman ito ng mga rehiyon ng MIMAROPA, CALABARZON, Zamboanga Peninsula, Ilocos, at Cagayan Valley. | ulat ni Jaymark Dagala