Naglunsad na ng imbestigasyon ang Department of Education (DepEd) laban sa mga school personnel na nagbebenta o di kaya’y nag-oobliga sa mga estudyante na bumili ng mga material na gagamitin sa kanilang “Catch-up Fridays.”
Ito, ayon sa DepEd, ay kasunod na rin ng mga nakarating sa kanilang sumbong hinggil dito na anila’y hindi naman talaga kailangan.
Giit ng Kagawaran, layunin ng Catch-up Fridays na mahasa ang kakayahan ng mga mag-aaral sa tamang pagbabasa gayundin sa kanilang pag-unawa rito.
Kaya naman muling binigyang-diin ng DepEd na hindi ito nangangailangan ng karagdagang gastusin at sa halip ay maaari namang gamitin ang mga available na material na maaaring basahin ng mga mag-aaral.
Babala ng DepEd, sinumang tauhan ng mga paaralan na mapatutunayang sangkot sa mga ipinagbabawal na gawain ay tiyak na mahaharap sa kaukulang parusa.
Muli namang hinimok ng DepEd ang publiko na makipag-ugnayan sa tanggapan ng Kalihim ng Edukasyon sakaling may mga ganitong uri ng aktibidad. | ulat ni Jaymark Dagala