Aminado si Senador Robin Padilla na ginawa na niya at ng kanyang opisina ang lahat para mapangalagaan ang karapatan ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy.
Matatandaang una nang sumubok si Padilla na baliktarin ang contempt order ng Senate Committee on Women laban kay Quiboloy pero kinulang ito ng pirma ng mga senador na kapwa miyembro ng naturang komite.
Binigyan rin ng pagkakataon ang kampo ni Quiboloy na makapagpaliwanag sa komite kung bakit hindi ito dapat ipa-contempt ng Senate panel sa pamamagitan ng paglalabas ng show cause order pero hindi nakuntento si Committee Chairperson Senadora Risa Hontiveros sa naging paliwanag nito.
Dahil dito, naglabas na ng arrest order laban kay Quiboloy.
Sinabi naman ni Padilla na kinikilala niyang nakapagdesisyon na ang chairperson ng kumite at inaksyunan na ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang paglalabas ng arrest order.
Sa ngayon, ang tanging nakikita na lang aniyang legal na alternatibo ng senador sa usapin ay ang iakyat ito sa Korte Suprema. | ulat ni Nimfa Asuncion