Matatagalan na ang pagre-renew ng mga gun owner sa kanilang License to Own and Possess Firearms (LTOPF).
Ito’y makaraang palawigin pa ng Philippine National Police (PNP) ang validity ng mga lisensya ng baril sa lima hanggang 10 taon mula sa dating isa hanggang dalawang taon.
Ito’y makaraang ipatupad ng PNP Firearms and Explosives Office sa ilalim ng Civil Security Group ang Republic Act 11766 na siyang nag-aamiyenda naman sa Republic Act 10591 o ang Firearms and Ammunition Regulations Act.
Ayon kay PNP Civil Security Group Director, Police Major General Benjamin Silo Jr., bukod sa pinalawig na validity ng LTOPF, ginawa na ring dalawang taon ang validity ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence mula sa dating isang taon.
Gayunman, sinabi ni Silo na kaakibat ng pinalawig na validity ng LTOPF at Permit to Carry ng mga baril ay tumaas naman ang mga bayarin sa pagkuha nito depende sa kung gaano katagal ito nanaisin ng isang gun owner.
Alinsunod aniya sa resolusyong inilabas ng National Police Commission (NAPOLCOM), magiging epektibo ang adjusted fees sa LTOPF at Permit to Carry sa mga baril simula March 16.
Sa kasalukuyang panuntunan kasi…
Type 1- ₱1,000
Type 2 – ₱2,000
Type 3 – ₱3,000
Type 4 – ₱2,500
Type 5 – ₱5,000
Pero sa ilalim ng bagong patakaran..
5 years validity:
Type 1 – ₱1,000
Type 2 – ₱5,000
Type 3 – ₱7,500
Type 4 – ₱12,500
Type 5 – ₱25,000
10 years validity:
Type 1 – ₱2,000
Type 2 – ₱10,000
Type 3 – ₱15,000
Type 4 – ₱25,000
Type 5 – ₱50,000
Samantala, mula naman sa ₱6,000 na annual fee para sa Permit To Carry Firearms Outside of Residence ay magiging ₱12,000 na ngayon at may bisa ng dalawang taon.
Kaugnay nito, sinabi ni Silo na pabor pa ito mga gun owner pero kung nais pa ring makatipid, hinikayat naman ng PNP CSG ang mga gun owner na mag-renew na ng lisensya bago magsimula ang pagpapatupad ng bagong patakaran sa March 16. | ulat ni Jaymark Dagala