May payo si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa guro na nag-viral sa social media matapos sermunan ang kaniyang mga estudyante.
Sa panayam kay VP Sara sa Phnom Penh, Cambodia, sinabi nito na nabasa na niya ang paliwanag ng naturang guro na bilang tao ay sadyang inaabutan ng galit.
Kaya naman inatasan ni VP Sara ang Regional Office na nakasasakop sa naturang guro na huwag patawan ng anumang parusa ang naturang guro.
Payo pa niya sa guro, kapag galit o mainit ang ulo, tumigil muna sa pagtuturo at kapag kumalma na ay saka siya bumalik sa klase.
Binigyang-diin pa ng Pangalawang Pangulo na nauunawaan niya ang pinaghuhugutan ng nasabing guro subalit ang kailangan aniyang maintindihan ay kung ano ang dapat gawin sa sandaling mapunta sa ganitong sitwasyon.
Una nang ipinanawagan ng Teachers Dignity Coalition (TDC) sa Department of Education (DepEd) na bigyan ng psychosocial na tulong ang mga guro na dumaranas ng matinding stress sa pagganap ng kanilang tungkulin. | ulat ni Jaymark Dagala