Magandang pagkakataon ang International Women’s Day at National Women’s Month upang ipagmalaki at ipagdiwang ang mga kahanga-hangang kontribusyon ng mga kababaihan sa pagsulong ng Pilipinas bilang isang malayang bansa.
Ito ang mensahe ni Vice President Sara Duterte ngayong International Women’s Day.
Sa isang pahayag, sinabi ng Pangalawang Pangulo na dapat ay laging may puwang, oportunidad, o kalayaan ang mga kababaihan para magpasya at ipakita ang kanilang kakayahan, dunong, lakas, at mga taglay na katangiang mahalaga sa buhay.
Kasabay nito, sinabi ni VP Duterte na panahon din ang International Women’s Day upang tukuyin at pag-usapan ang mga sanhi ng kasawian at hirap ng mga kababaihan — katulad ng karahasan at trahedya.
Halimbawa na lang aniya si Dr. Sharmaine Baroquillo na isang kawani ng pamahalaan na biktima ng karahasan, at ang abogadang kasapi ng New People’s Army (NPA) na namatay sa Bohol habang pinaglalaban ang bulok na ideolohiya ng terorismo at pagpapabagsak sa pamahalaan.
Nariyan din ang mga ina ng mga kabataang inarmasan at biktima ng panlilinlang ng NPA na hanggang ngayon ay nawawala o di kaya umuwi nang wala ng buhay.
Kabilang din sa kinilala ni VP Duterte sa kaniyang mensahe ang mga ina, asawa, o kapatid ng mga pulis at sundalong nagbuwis ng buhay para matiyak na ligtas tayo at ang ating bayan. | ulat ni Diane Lear