Isang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasawi, at isa ang nahuli sa enkwentro sa pagitan ng mga tropa ng 19th Infantry “Commando” Battalion, 8th Infantry “Stormtroopers” Division ng Philippine Army at mga teroristang komunista sa Barangay Osmeña, Las Navas, Northern Samar, kahapon.
Kinilala ang nasawing NPA na si Adel Cabides alias Hipolito at ang sugatan na si Jessie Robinacio alias Tadok.
Ang mga ito ay pinaniniwalaang kabilang sa Sub-Regional Guerilla Unit (SRGU), Sub-Regional Committee (SRC) Emporium, Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC) na pinamumunuan ng isang Mario Sevillano, alias Durok.
Narekober ng mga tropa ang dalawang M-16 rifle sa encounter site matapos magsitakas ang mga kalaban pagkatapos ng 20 minutong bakbakan.
Binati ni 8th Infantry Division Commander Major General Camilo Ligayo ang mga tropa sa matagumpay na operasyon, kasabay ng pagpapaabot ng kanyang pakikiramay sa pamilya ng nasawing NPA. | ulat ni Leo Sarne
: 8ID