Sumentro sa pinalakas na ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos sa larangan ng nuclear energy at kalakalan ang naging pulong nina Speaker Martin Romualdez at Albama 6th District Rep. Gary Palmer nitong April 16 oras sa Amerika.
Si Palmer ay miyembro ng U.S. House Committee on Energy and Commerce at Committee on Oversight and Accountability.
Sa kanilang pagpupulong, muling binigyang diin ni Romualdez ang kahalagahan ng nilagdaang kasunduan ng Pilipinas at US na 123 Agreement.
Matatandaan na Nobyembre ng nakaraang taon nang selyuhan ng dalawang bansa ang kasunduan na magpapahintulot ng palitan ng nuclear energy-related materials at components sa pagitan ng US at Pilipinas.
“The 123 Agreement lays the legal framework for potential nuclear power projects with U.S. providers and paving the way for streamlining the licensing requirements for the private sector with respect to investments on nuclear-related intangible transfers of technology,” sabi ni Romualdez
Inilatag din ng House Speaker ang malaking benepisyo ng dalawang bansa kung muling maging epektibo ang Generalized System of Preference o GSP program na nagtapos noong December 31, 2020.
Ang GSP ang pinakamalaki at pinakamatagal nang US trade preference program na nakatutulong sa mga developing country gaya ng Pilipinas na mapasigla ang ekonomiya sa pamamagitan ng kalakal.
Pagbabahagi ni Romualdez bago matapos ang programa, nakapag-export ang Pilipinas ng US$2 billon na halaga ng kalakal na tax-free sa US na nakalikha naman ng trabaho at pamumuhunan sa manufacturing.
“This will lead to decreased prices in the U.S. for these products and commodities, thereby easing inflation,” paliwanag ng House leader.
Maliban dito ay hiningi rin ni Romualdez ang suporta ng US lawmaker pagdating sa pagkakaroon ng Free Trade Agreement at innovative sectoral arrangements.
“We need to leverage Philippine resources and U.S. technologies and investments, particularly in critical minerals to support the electric vehicle industry and the broader transition to clean energy, including nuclear energy,” dagdag niya.| ulat ni Kathleen Forbes