Hindi hinamon ng dalawang barko ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) ang mga barkong pandigma ng Pilipinas, Australia, Japan at Estados Unidos na nagsagawa ng Multilateral Maritime Cooperative Activity (MMCA) sa West Philippine Sea (WPS) kahapon.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. nakabuntot ang dalawang barko ng PLAN sa mga barko ng apat na bansa habang sabayang nagpatrolya sa WPS.
Sinabi ng heneral na nananatili ang mga barko ng China sa distansyang 6 nautical miles mula sa mga barko ng mga bansang kalahok sa aktibidad, at wala rin naman aniyang ginawang anumang aksyon ang mga ito upang hadlangan ang maritime exercises na kanilang isinasagawa.
Matatandaang inanunsiyo ng China na nagsagawa din sila ng kanilang sariling combat patrol kasabay ng MMCA.
Pero ayon kay Gen. Brawner, bukod sa nakabuntot na dalawang barko ng China wala silang na-monitor na kakaibang aktibidad sa karagatang pinatrolya ng MMCA mula sa Sabina Shoal na malapit sa Ayungin Shoal hanggang sa Reed Bank sa bisinidad ng Busuanga, Palawan. | ulat ni Leo Sarne