Bilang tugon sa matinding init ng panahon ngayon, ay bumili ang pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ng mga bagong mobile shower at toilet truck.
Ibinida ni Valenzuela Mayor Wes Gatchalian ang dalawang bagong mobile facility na layong araw araw iikot sa mga komunidad na apektado ng water interruption upang makapaghatid ng libreng shower lalo sa mga mahihirap.
Ito ay para matulungan ang mga barangay na tinatamaan ng power at water interruption at maiwasan ang sakit na dulot ng taginit.
Pinondohan ng ₱12.75-million ang dalawang mobile shower at toilet truck na may lamang walong shower cubicle, walong toilet cubicle, at anim na stainless steel handwashing sink.
Sa panahon naman ng mga sakuna gaya ng baha at sunog ay ide-deploy din ang mga Mobile Shower at Toilet Truck sa mga evacuation center.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng Pwestong Presko Project ng LGU na una nang nagrasyon ng tubig sa 17 public schools na walang access sa water refilling stations. | ulat ni Merry Ann Bastasa