Nasa 29 na indibidwal ang nasawi sa 34 na insidente ng pagkalunod nitong Semana Santa.
Base Ito sa datos ng Philippine National Police (PNP) mula March 27 nang magsimula ang “Holy Week Break” hanggang kahapon, March 31.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, karamihan sa mga nasawi ay mula sa Calabarzon na nasa 10, kasunod ang Ilocos Region at Cagayan Valley Region na may tig-6, at Bicol Region na may lima.
Dalawa naman sa mga biktima ng pagkalunod ang nailigtas ng mga pulis; habang tatlong biktima ang nawawala, isa sa Rosales, Pangasinan; isa sa Jones, Isabela; at isa sa Tumauini, Isabela.
Mas mababa ang insidente ng pagkalunod na iniulat sa panahong ito, kumpara sa Semana Santa noong nakalipas na taon na may 63 kaso.
Ayon kay Fajardo, bahagi ng kanilang paghahanda sa Semana Santa ngayong taon ang pagde-deploy ng mga pulis na may kasanayan sa life-saving techniques sa mga resort, para makatulong sa mga insidente ng pagkalunod. | ulat ni Leo Sarne