Inaasahan pa ring magpapatuloy ang ‘danger’ level na heat index o alinsangan sa maraming lugar sa bansa ngayong araw kabilang ang Metro Manila.
Batay sa heat index forecast ng PAGASA, posibleng pumalo sa hanggang 46°C ang pinakamataas na heat index na maitatala sa Pili, Camarines Sur.
Bukod dito, hanggang 42-45°C heat index din ang asahan sa 28 lugar sa bansa.
Kabilang na rito ang Metro Manila na posibleng umabot rin sa 43-44°C ang heat index.
Pasok ito sa danger category kung saan maaaring mauwi sa heat cramps at heat exhaustion ang matagal na exposure sa araw ng isang indibidwal.
Una nang ibinabala ng PAGASA na mas titindi pa ang init na mararamdaman sa bansa pagdating ng buwan ng mayo.
Kahapon lang, umabot sa 48°C ang naitalang pinakamataas na damang init sa bahagi ng Cagayan. | ulat ni Merry Ann Bastasa