Sisimulan sa May 1, 2024, magpapatupad ang Department of Finance (DOF) ng 4-day work week para mabawasan ang hirap ng kanilang mga empleyado sa araw-araw na pagbiyahe sa Metro Manila dagdag pa ang nararanasang matinding init ng panahon.
Ito ang naging anunsyo ni DOF Secretary Ralph Recto sa selebrasyon ng anibersaryo ng kagawaran nitong linggo.
Nakatakda namang ilabas ang mga guidelines ng 4-day work week sa mga susunod na araw kung paano ipapatupad ang nasabing bagong schedule para sa mga tauhan ng DOF.
Una nang inihayag ng Civil Service Commission (CSC) na maaari namang magpatupad ng 4-day work week basta’t sa loob ng apat na araw na pasok ay papalo pa rin sa 40 oras kada linggo o katumbas ng 10 oras kada araw ang ipinasok sa trabaho ng mga empleyado at hindi nakokompromiso ang pagbibigay ng serbisyo sa publiko.
Taong 2022 nang inilabas ng CSC ang regulations nito ukol sa flexible work arrangement para sa mga tauhan ng gobyerno.| ulat ni EJ Lazaro