Umabot na sa 45 lalawigan sa bansa ang tinamaan ng ‘drought’ o matinding tagtuyot, hanggang nitong April 17, ayon sa PAGASA.
Sa monitoring ng PAGASA, kabilang sa mga apektado ng drought ay ang 23 na lalawigan sa Luzon partikular ang Northern Luzon at MIMAROPA kasama na rin ang Metro Manila.
Mayroon ding 14 na lalawigan sa Visayas at walo naman sa Mindanao ang nakaranas ng matinding tagtuyot.
Samantala, karamihan ng lugar sa Mindanao ay nakararanas ng ‘dry spell’ kasama ang walong probinsya sa Luzon.
Kadalasang tumatama ang ‘drought’ kapag way below normal o nabawasan ng higit 60% ang ulan sa isang lugar sa tatlong magkakasunod na buwan.
Sa kabila nito, sinabi ng PAGASA na may mga lugar ding gaya ng Zambales at Bataan na naalis na sa kategorya dahil sa naranasang panaka-nakang pag-ulan noong Marso.
Una nang sinabi ng PAGASA na mananatili pa rin ang epekto ng El Niño sa bansa hanggang Mayo kahit pa humihina na ito at tumataas na ang tyansa ng La Niña. | ulat ni Merry Ann Bastasa